Maraming sumusulpot na problema sa PNP at patuloy na nagkakagulo. Habang nagkakagulo sa pagtatalaga ng bagong hepe, tumataas naman ang krimen sa kapaligiran at nagiging inutil na ang puwersa ng PNP na hindi maprotektahan ang mamamayan. Sa pagiging abala nila sa pagtatalaga ng kanilang mga manok bilang hepe ng organisasyon, ang taumbayan ang nagdurusa.
Patuloy ang kidnapan, nakawan, holdapan, cell phone snatching at kung anu-ano pa at walang alagad ng batas na magprotekta. Apektado sila ng pagsisiraan at pagbabangayan ng mga opisyal. Maging ang mga simpleng pagnanakaw sa mga ATM machines ay hindi ngayon masubaybayan ng mga alagad ng batas at tila naglalaro na lamang ang mga magnanakaw. Sunud-sunod na ninakawan ang ATMs ng East West Bank at hanggang sa kasalukuyan, wala pang nahuhuli.
Ang bangayan ng mga opisyal sa PNP ay lalong lumubha ng isang advertisement sa Philippine STAR ang nalathala na kumukuwestiyon sa desisyon ni GMA sa pagpili kay Ebdane. Sa ad na ang nakalagda ay mga "CONCERNED PNP OFFICERS" ay sinabing huwag lang kay Ebdane ituon ni GMA ang pansin. May himig na hindi sila sang-ayon sa kung anuman ang maggiging tunay na desisyon ni GMA kay Ebdane.
Malaking problema ito na si GMA lamang at si General Mendoza ang maaaring makasagot. Kapag hindi nagawan ng solusyon, tiyak na ang kalawang sa loob ng PNP ay magpapatuloy at sisirain ito. Dapat namang lumutang ang mga "CONCERNED OFFICERS" at ipabatid ang kanilang problema at nang matahimik na ang PNP. Alisin ang kalawang sa PNP para pagtiwalaan ng taumbayan.