Noong Lunes ay minsan pang kinakitaan si GMA nang pag-ayaw sa illegal gambling nang tahasan niyang tanggihan ang balak ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na magtayo ng Casino University (CU). Hindi umano siya papayag na magkaroon ng casino university. Ayaw niya na ang kultura ng pagsusugal ay tumimo pa nang tumimo sa mga Pilipino.
Marami ang nagtaasang kilay nang ipahayag noong nakaraang linggo ng Pagcor na magtatayo ng special academy na mag-o-offer ng bachelor degrees sa casino operations and management. Sinabi ni Pagcor chairman Ephraim Genuino na kung matutuloy ang CU, ito ang kauna-unahan sa Pilipinas at maging sa buong mundo. Ang CU ay mag-o-offer din diumano ng mga short term courses ukol sa mga popular casino games gaya ng blackjack, roulette, craps and poker at maging nga non-degree programs para sa mga teller, casino accountants, bingo managers, building administrations and security personnel.
Hindi namin iniaalis ang punto ng Pagcor na sa hinaharap ay makapag-train ng card dealers at makapag-develop ng casino skills para makipagpaligsahan ang Pinoy sa buong mundo subalit ito ba ang pinakamabuting paraan. Gaano ang gagastusin sa pagtatayo ng CU na siyemprey manggagaling din sa kaban ng bansa. Uunahin pa ba ito kaysa sa pagtatayo ng mga schools sa mga barangay na lubhang kailangan ng mga bata? Hindi bat mas maganda na kung ang gagastusin sa CU ay ilaan na lamang sa mga gurong magtuturo ng Science, English at Math. Kulelat ang mga kabataan ngayon sa tatlong subjects kaya nga pinagsisikapan sa kasalukuyan ng Department of Education na makapag-hire ng mga magagaling na guro.
Tama si GMA na tutulan ang CU na magpapalawak lamang sa kultura ng gambling sa bansang ito. Mas lalong tatama kung ang lahat ng illegal gambling gaya ng jueteng ay mawala na rin at nang hindi na nalulubog sa hirap ang mga mahihirap.