"Mang Senting, paano ka nag-umpisa sa pagtatanim ng bagong uri ng kamatis?" Alam kong mahigit sa 200 metro kuwadrado ang taniman ng kamatis na hitik sa bunga. Sa sunod linggo ay handa nang pitasin.
Nag-isip muna si Mang Senting bago sumagot. "Sa totoo lang Doktor, ayaw ko sanang magtanim ng bagong uri ng kamatis. Pero may nagmungkahi sa akin na isang kakilala na subukan ko ang bagong uri ng kamatis at hindi ko natanggihan. Bilang pakikisama ay sinunod ko siya. Nagtanim lang ako sa sampung metro kuwadrado para mapagbigyan lang siya."
"Ibig mong sabihin ang dahilan ng iyong pagtatanim ng kamatis ay dahil sa pakikisama?"
"Opo, Doktor," sagot ni Mang Senting, "ganoon ako nag-umpisa."
"Mababaw pala ang dahilan ano, Mang Senting? Kahit hindi pa subok ang uri ng kamatis ay nagtanim ka pa rin para lang sa pakikisama."
"Mababaw ngang dahilan, Doktor pero napatunayan ko na ang pakikisama kong iyon ang nagdala sa akin para magtagumpay sa pagtatanim ng kamatis. Kung noon ay sampung metro kuwadrado ang tinaniman ko, ngayon ay 200 metro kuwadrado na ang taniman ko. Dahil sa pakikisama kaya akoy guminhawa."