^

PSN Opinyon

Editoryal - Naglalayag na kabaong

-
Patuloy pa ang paglalayag ng mga kabaong sa karagatan ng Pilipinas. Sa kabila na marami nang mga sakunang nangyayari sa karagatan, patuloy na nakapagbibiyahe at pinagkakakitaan ang mga barkong kabaong. Nangyari na naman ang kinatatakutan dahil sa pagkakasunog ng M/V Maria Carmela noong Huwebes ng umaga sa may Pagbilao, Quezon. Dalawamput walo na ang kumpirmadong patay at may 51 ang nawawala. Mahigit 240 katao ang sakay ng barko na galing sa Masbate. Ang barko ay pag-aari ng Montenegro Shipping Lines.

Ang trahedya sa karagatan ay karaniwan na lamang sa bansang ito. Noong 1997, nasunog din ang Viva Antipolo at may 30 tao ang namatay. Mas matindi ang pangyayari noong December 1987 nang magbanggaan ang M/V Doña Paz at M/T Victor na may 4,000 ang namatay. Sa kabila nang mga trahedya, patuloy pa ring tinatangkilik ng mga tao na karamiha’y mahihirap ang barko sapagkat pinakamura sa lahat ng pampublikong sasakyan. Hindi na nila inaalam kung ligtas nga ba ang sasakyang barko.

Sa kabila na tinatangkilik ng mamamayan, wala namang ginagawang pagbabago ang mga may-ari ng barko para maging ligtas ang kanilang mga pasahero. Pasok na lamang nang pasok ang pera sa kanilang negosyo at hindi na nila inaalam ang kakayahan ng barko, kapitan at mga crew. Handa ba ang mga ito o nauuna pang tumalon kapag may panganib at di na inaalala ang mga pasahero.

Sa kaso ng M/V Maria Carmela, sinasabing hindi naman umano kargado ng pasahero ang barko nang umalis ito sa Masbate. Bagay na hindi kapani-paniwala sapagkat bukod sa tao ay may karga pa itong mga malalaking truck at kopra. Gaano kabigat ang truck at kargamentong kopra? Pinaniniwalaang nagsimula ang sunog sa mga kopra na nakalagay umano malapit sa makina ng barko. Mabilis na kumalat ang apoy at nagulantang na lamang ang mga pasahero na ang karamiha’y natutulog pa.

Nang kumalat ang apoy ay nagkagulo na ang mga pasahero. Nagkanya-kanyang ligtas sa sarili. Nag-agawan sa life jackets. Nang walang makuhang jacket minabuti na lamang na tumalon sa barko at bahala na. Ang mas kawawa ay ang mga bata na napahiwalay sa kanilang mga magulang.

Hindi makita ang kapitan at mga crew na dapat ay nagbigay ng tulong sa kanilang pasahero. Ipinakita na wala silang kakayahan sa oras ng panganib. Ang tanong ay kung bakit nakapaglalayag ang barko sa kabila na kulang sa mga kagamitan tulad ng life jackets at life boats. Ngayo’y naghihigpit na naman ang mga awtoridad. As usual, ganito naman ang mga awtoridad. Kailangang may mamatay muna saka kikilos. Kapag tahimik na ang isyu balik uli sa dati.

vuukle comment

BAGAY

BARKO

MASBATE

MONTENEGRO SHIPPING LINES

NANG

T VICTOR

V DO

V MARIA CARMELA

VIVA ANTIPOLO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with