Ngayoy maugong ang tambalang Estrada-FPJ. Sa bibig mismo ni Estrada nanggaling na baka tumakbo si FPJ. Ano ito? Isa na namang panoorin o palabas na sa dakong huliy ang mga manonood ang maghihirap at iiyak. Sa kabila na sinasabi ni Estrada na siyay lubog na lubog na at hindi nakakakuha ng parehas na hustisya, gumagana naman ang kanyang utak para hatakin ang isyu sa isa namang patibong na ang nahuhulog ay masa. Hindi ngayon ang unang pagkakataon na si FPJ ay nahatak sa ganitong usap-usapan, maski noong 1999 ay malakas ang ugong na tatakbo siya sa pulitika bagamat siya na rin ang nagsabi na wala itong katotohanan.
Nagtagumpay si Estrada na kunin ang puso ng masa. Mula sa mga pelikulang nagpakita ng pagtatanggol sa naaapi ay mabilis niyang nabihag ang marami at nadala siya sa Malacañang. Subalit makalipas lamang ang mahigit dalawang taon, natikman ng masa ang lupit ng kanilang iniluklok. Naakusahan ng pandarambong si Estrada. Umamin na dahil sa pagmamahal sa kaibigan ay pumirma bilang "Jose Vilarde" para mag-garantiya. Mas mahal ni Estrada ang kaibigan kaysa sa mga nagluklok sa kanya. Malinaw ang katotohanang ito at hindi na dapat pang malito ang masa. Ang pag-arte ay bahagi ng kanyang buhay at ang masang nagugutom ay madaling akitin ng pagpapanggap.
Kinaladkad na naman ang masa para mag-alsa at ang ganitong problema ang dapat resolbahin ng kasalukuyang pamahalaan. Kalingain ang mahihirap. Bigyan ng pagkain sa bawat hapag at bigyan ng permanenteng tirahan. Kung mayroon na nito, hindi na sila magmamartsa sa kalsada dahil sa udyok ng mga pulitiko. Wala nang EDSA Kuwatro gaya ng pananakot. Hindi na sila mabubulag sa galing ng artista.