Sino ang taga-pasya

MATAGAL na akong gustong magtanong sa mga kalalakihan sa nayon kung sino ang nagpapasya sa kanilang bahay. Nangangamba naman ako at baka makasakit ako ng damdamin. Pero kay Mang Senting ay lakas-loob na akong nagtanong. Napansin ko kasing hindi naman maramdamin si Mang Senting kahit magtanong ako ng personal.

‘‘Mang Senting, sino ang nagpapasya sa inyong dalawa ng asawa mong si Maring?’’

Kumamot muna ito sa ulo bago sumagot. ‘‘Kung minsan siya, kung minsan ako."

‘‘E sa bahay n’yo?’’

‘‘Siyempre si Maring. Siya ang nagpapasya lalo na ang tungkol sa mga bata, pagkain, kagamitan at iba pa,’’ sagot niya na walang kaduda-duda.

Pinakiramdaman ko kung tinatamaan ko ang kanyang pagkalalaki. ‘‘E, ikaw ano ang pinagpapasyahan mo?’’

‘‘A, sa bukid ako ang nagpapasya,’’ mabilis na sagot na may halong pagmamalaki.

‘‘Sino ang may hawak ng pera?" tanong ko uli kay Mang Senting.

‘‘Siyempre si Maring.’’

"E, kung hindi ka bigyan ng pera para sa gagamitin mo sa bukid?’’

‘‘Hindi ako makapagtatanim at siyempre ay wala kaming kakainin," sagot niyang mahinahon.

‘‘Masama pala ang mangyayari kapag hindi ka binigyan ng pera."

"Masama talaga Doktor."

Napatawa akong malakas sabay sabi ng ‘‘Sa inyo pala ang may hawak ng pera ay siyang tunay na makapangyarihan at nagpapasya.’’

Show comments