Sa pagkaalam ko mahigit P100 milyon ng kagamitan at chemicals sa paggawa ng shabu ang nakumpiska ng elemento ng Narcotics Group (Nargroup) at Regional Intelligence and Special Operations Office (RISOO) sa laboratoryo na matatagpuan sa kanto ng Araullo at Montessori Sts., sa Barangay Addition Hills. Pitong Chinese nationals na tubong Fujian, China ang naaresto sa raid. Hindi lang si Mendoza ang dumating sa lugar kundi pati na sina Interior Secretary Joey Lina, Nargroup chief Dir. Efren Fernandez at NCRPO chief Dir. Edgar Aglipay. Pogi silang lahat sa mata ng taumbayan.
Sa pagkaalam ko huli na nang dumating si De Gracia at mga tauhan niya. Abot-langit kasi ang pagyayabang ni De Gracia na drug-free na ang bayan ng San Juan eh sa likod pala nito may laboratoryo roon. He-he-he!
Naalimpungatan siguro si De Gracia sa raid ng Nargroup at RISCO. Ibig sabihin nito taliwas sa idinadaldal ni dating Mayor Jinggoy Estrada ang sitwasyon ng droga kung ang shabu lab ang gagawing pagbabasehan, di ba mga suki? Hindi lang pugad ng droga ang San Juan kundi maging ng mga international na terorista. Di ba sa San Juan din naaresto ng RISOO ang mga Vietnamese na terorista noong nakaraang taon? Si De Gracia pa rin ang hepe ng pulisya noon. Sa San Juan rin nangyari ang Nida Blanca slay at hanggang sa ngayon, malabo pa rin ang kaso at samut saring tao na ang kinaladkad nito.
Sinabi pa ng mga kapitbahay na ang isang malaking bahay sa harap ng shabu lab ay dalawang beses na ring ni-raid ng elemento ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa kasong pirated compact disks (CDs). Eh hindi lang pala shabu at international terrorists itong San Juan kundi maging kung anong klaseng kaso pa. He-he-he! Bakit naging kandidato pa sa SOY ng NCRPO itong si De Gracia. Kahit mga tauhan niya mismo ay may hinanakit rin kay De Gracia. Kasi noong nakaraang Christmas party nila kinaltasan ang sahod nila ni De Gracia ng tig-P300 samantalang alam nilang sagot naman ni Mayor JV Ejercito ang mga pa-raffle nila.
Ginagamit rin umano ni De Gracia sa kanyang pansariling kapakanan ang isang patrol car na Revo nila, ayon sa mga pulis na nakausap ko. Totoo kayang pinagawa ni De Gracia ang isang mobile car at ginawang pansariling sasakyan niya? Sa napakadaming opisyal ng NCRPO eh bakit si De Gracia ang napipisil sa SOY? Sinisiguro kong mababago ang isip ng NCRPO kapag nasilip nila itong kaso ng shabu lab, di ba mga suki?