Madalas kaming magkasama ni Enteng sa barrio. Pag dadalawa lang kami ay lagi ko siyang binibiro para malibang. Sa pag-uwi kinahapunan, nilalakad lang namin mula sa barrio patungo sa highway para sumakay sa bus patungo ng siyudad.
Minsan ay inabot kami ng dilim. Nauhaw si Enteng kaya huminto kami sa isang bahay para makiinom. Mabait ang matandang babae na nagpainom kay Enteng at pinaalalahanan pa kami, "Mag-ingat po kayo sa daan. Noong isang linggo ay may magsasakang hinarang at ninakawan." Tinitingnan ako ni Enteng. Halatang takot na takot sa sinabi ng matanda.
Binulungan ko si Enteng, "Huwag kang matakot. May dala akong armas at bala sa aking bag."
"Mabuti na lang," sabi ni Enteng at bumuntung-hininga. "Maaari bang makita ang iyong armas at bala, Doktor?"
"Masamang inilalabas ang armas at bala," sagot ko kay Enteng, "Mamaya na lamang."
"Hindi ko akalain na ikaw ay may dalang armas at bala."
Ngumiti ako. "Ang dala ko ay medisina at stethoscope."
Nagtanong si Enteng, "Bakit dito ka sa barrio nagtatrabaho? Maaari naman sa siyudad at sa Amerika?"
"Tatanungin kita para malaman mo ang gusto kong sabihin. Sino ang pinakamagaling na doktor sa barrio at bakit?"
"Si Dr. Flavier sapagkat siya ay nag-iisa rito sa barrio," sagot ni Enteng.
"Tama ang sagot mo. Ngayon alam mo na kung bakit narito ako sa barrio."