Ang trial ni Estrada ay kung ilang ulit nang naipagpapaliban. Ang lugar na pagkukulungan kay Estrada ay nananatiling nalalambungan ng kontrobersiya. Hanggang sa kasalukuyan patuloy pa ring kinukuwestiyon ang pagkaka-patalsik kay Estrada at ganoon din ang batas na may kaugnayan sa plunder o pandarambong. Kahit na dinesisyunan na ng Korte Suprema ang legalidad ng pagkakapatalsik kay Estrada, nagkakaroon naman ng mga "palabas" sa Sandiganbayan. Nagbabangayan ang mga magigiting na hukom sa Sandiganbayan sa pagitan nina Presiding Justice Francis Garchitorena at Associate Justice Anacleto Badoy. Ang kanilang pinagbabangayan: kung sino ang hahawak sa plunder case ni Estrada.
Marami pang "palabas" na napapanood at tila ang nangyayaring pagbabangayan sa Sandiganbayan ay pabor sa kaso ni Estrada. Ikinatutuwa ang samut saring pangyayari na nagdagdag lamang para patuloy na maatrasado ang paglilitis. Ang kasong plunder na naka-toka kay Justice Badoy ay nasa duyan ng pag-aalinlangan at lalong tumindi nang mag-file ito ng sick leave. Idineklara ng Korte Suprema na "considered on leave" si Badoy at hihintayin pa ang order bago ito muling makabalik. Gumagawa ng paraan ang mga government prosecutors na alisin na sa division ni Badoy ang kasong plunder ni Estrada upang mapabilis ang tila usad-pagong na kaso. Isang balakid pa sa pagpapatuloy ng trial ay ang tungkol sa impeachment complaint na iniharap naman kay Ombudsman Aniano Desierto.
Marami pang "palabas" na nangyayari at walang nakaaalam kung kailan titiklop ang telon at masasabing may kinatunguhan na sa kaso ni Estrada. Umaasa ang taumbayan na mayroon nang makikitang katotohanan sa kaso ng dating Presidente na pinatalsik nang taumbayan dahil sa katiwalian. Hindi hilaw na katotohanan ang kanilang hinahanap kundi totoong katotohanan gaya ng isinisigaw sa EDSA noon. Mag-iisang taon na sa susunod na January 20, 2002 ang pagpapatalsik at nakatatakot isiping maaaring mapunta lamang sa kangkungan ang lahat-lahat. Huwag naman sana.