Sa paghahangad ng grupo ni Osama bin Laden na makalikom ng suporta, pinipilit nilang ang digmaang ito ay laban sa Islam, na ang pag-atakeng ito ay laban sa mga Muslim. Ang pag-atake sa grupo ni Ben Laden ay hindi dahil sa sila ay Muslim kung hindi dahil sa ginawa nilang karahasan sa New York at Washington. Ang pagbomba sa Afghanistan ay hindi dahil ito ay isang bansang Muslim kundi dahil sa pagmamatigas at pagprotekta sa teroristang grupo.
Kailanman, hindi pinapalaganap ng Islam ang karahasan bilang paraan ng pamumuhay. Ang mga Muslim ay mga taong mapayapa at mahinahon. Nakalulungkot lamang isipin na ginagamit ang relihiyong Islam ng mga ilang grupo gaya ni Bin Laden at ng Abu Sayyaf, upang pagtakpan at gawing lehitimo ang kanilang karahasan. Habang nalulungkot ang buong mundo sa nangyaring trahedya sa Amerika, nagawa pang purihin ni Bin Laden ang mga teroristang nagsagawa ng karumal-dumal na pag-atake. Habang ang buong mundo ay naghahangad na manumbalik ang kapayapaan nagawa pang magbanta si Bin Laden na hindi matitikman ng Amerika ang seguridad at katahimikan hanggang hindi nalulutas ang problema sa Middle East.
Sa ngayon, habang tayo ay aantabay at maghihintay sa mga huling kaganapan, nawa ay sama-sama tayong maghangad ng mabilisang manunumbalik ng pandaigdig na kapayapaan. Walang puwang dito ang mga taong nagpapalaganap ng karahasan. Walang papel ang mga terorista sa ating sibilisadong mundo.