EDITORYAL - Bigas
September 9, 2001 | 12:00am
Maraming nagdarahop na pamilya na nakatira sa mga silong ng flyover, tulay, waiting shed at mga pampang ng estero na sinisinop ang ilang gatang ng bigas para maisaing. Kung maaari ay ayaw nilang malaglagan kahit isang butil dahil sayang. Ang isang butil ay karagdagan kapag isinaing at mahalagang pagkaing ilalaman sa nag-aalburuto nilang bituka.
Habang may nagsisinop at nangangarap na sanay marami silang maisaing, santambak namang sako ng bigas ang umanoy nabubulok sa isang private na bodega sa Mabini, Batangas. Ang mga bigas na may kabuuang 1.2 milyong sako ay inimport ng National Food Authority (NFA) sa United States. Ang napakaraming bigas ay nagkakahalaga umano ng P1.5 bilyon.
Binisita ni President Gloria Macapagal-Arroyo ang bodega ng bigas noong Huwebes. Gimbal si GMA nang makita ang napakaraming mga bigas. Nagtaka kung bakit hindi pa naipapamahagi sa mga suppliers. Sinabi pa ni GMA na gumagastos ang gobyerno para sa storage fee at sa fumigation ng mga bigas.
Sa isang press conference na ginanap kamakalawa, nagpakita ng pagkabanas si GMA kay NFA Administrator Tony Abad dahil sa isyu ng bigas. Nalaman ni GMA na binigyan daw ng maling impormasyon sa bigas si GMA ayon kay Abad. Tinawagan si Abad sa telepono ni GMA at nag-usap sila na may kaugnayan pa rin sa kontrobersiyal na bigas.
Pero kahit na magalit pa nang todo-todo si GMA tungkol sa maling impormasyon sa bigas, hindi na ito mahalaga. Ang mas mabutiy paimbestigahan niya si Abad kung bakit ang mga bigas ay nananatili sa isang private warehouse na pag-aari umano ng kaibigan ni dating President Estrada. Ano ang silbi ng mga warehouse ng NFA?
Dapat siyang magalit sapagkat nabubulok na ang mga bigas na ang ipinambili ay pera ng bayan at kung hindi pa niya nabuking ay baka mabulok na ngang tuluyan. Dapat magalit si GMA kung bakit kailangang umimport pa nang napakaraming bigas gayong may kakayahan ang bansa dahil isa itong agricultural country. Dahil sa pag-import ng bigas sa ibang bansa, ang mga kawawang Pilipinong magbubukid o negosyante ng palay ang nagdurusa sapagkat hindi sila makalaban sa mga dambuhalang bansa na nagpapasok dito ng kanilang bigas.
Maaaring ang pagkakadiskubre ni GMA sa mga saku-sakong bigas ay maglantad pa ng ibang kabulukan. Maaaring sa tambak ng mga bigas ay may lulutang pang katiwalian. Dito ipakita ni GMA ang kanyang pagkabanas.
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended















