EDITORYAL - Trapik, basura at lubak na kalsada

Tatlong problema ang dinaranas ngayon ng mga taga-Metro Manila: Grabeng trapik, nilalangaw na tambak ng mga basura at ang lubak-lubak na mga kalsada. Lalong lumubha ang tatlong problemang ito dahil sa sunud-sunod na pag-ulan at pagbaha na may isang buwan nang nararanasan. Kung magpapatuloy pa ang malalakas na pag-ulan, inaasahan na lulubha pa ang pananalasa ng tatlong problemang ito.

Mapanganib sa kalusugan ang nagkalat na mga nilalangaw na basura. Maghahatid ng sakit. Ang mga basura ay kumalat dahil tinangay ng baha. Kumawala sa mga pinagtapunang estero at inihatid sa mga kalsada at ang karamihan ay sa pintuan mismo ng mga iresponsableng residente. Ang mga tambak ng basura rin ang magiging tirahan ng mga lamok na nagdadala ng dengue. Sa kasalukuyan, marami nang biktima ng dengue ang nairereport hindi lamang dito sa Metro Manila kundi pati sa mga probinsiya. Ang aksiyon ng kinauukulan ang hinihintay para agarang makolekta ang mga basura na ayon sa pagtaya ay may 6,000 tonelada araw-araw.

Ang trapik ay matagal nang problema na hindi masolusyunan ng pamahalaan. Bilyong piso ang nasasayang dahil sa trapik. Sa pananalasa ng baha ay lalong umigting ang grabeng trapik sa maraming lugar sa Metro Manila at wala namang aksiyon ang Metro Manila Development Authority kung paano ito malulunasan. Kapag umulan o bumaha ay kakatwang hindi na makita ang mga MMDA traffic enforcers para magsaayos ng traffic. O kung naroon man sila ay walang ginagawa kundi ang mangotong.

Isa rin sa dahilan kung may grabeng trapik ay dahil sa mga sira-sirang kalsada. Maraming kalsada sa Metro Manila ngayon ang lubak-lubak dahil tinangay ng baha ang mga ipinatong na aspalto rito. Iniiwasan ng mga sasakyan ang mga lubak na nagiging dahilan ng trapik. Wala pang nakikitang pagkilos sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para ayusin ang mga lubak. Ang isang nakababahala ay baka maging madalian na naman ang pagtatapal ng DPWH sa mga lubak-lubak. Isang buhos ng ulan at ragasa ng baha ay tatangayin na ang itinapal. Inanod na ang perang galing sa buwis ng mamamayan.

Ang agarang pagkilos ng mga sangay ng gobyerno ay kailangan para masolusyunan ang tatlong problemang ito sa Metro Manila. Kailangan din naman ang kooperasyon ng taumbayan lalung-lalo na sa walang disiplinang pagtatapon ng basura na ugat din ng pagbaha, pagtatrapik at pagkasira ng mga kalsada.

Show comments