Ang talinghaga ng katandaan at kabataan

Nang gabing iyon, isang grupo ng matatanda at kabataan sa nayon ang nagkaroon ng pag-uusap. Ang usapan ay nauwi sa maanghang na pagtatalo.

Masyadong mapusok ang mga kabataan sa pagpapaliwanag. Hindi marunong magbigay sa mga kausap at hindi marunong gumalang.

Ang mga matatanda naman ay mahinahon at mababa ang tono sa pakikipag-usap at iniisip muna ang mga sinasabi.

"Nauunawaan namin kayong mga kabataan dahil dinaanan din namin iyan," sabi ng isang matanda na nakangiti.

"Hindi n’yo kami maiintindihan dahil kami ay iba sa inyo," sagot naman ng isang kabataang lalaki.

Dagdag pa ng isang kabataang babae, "Tingnan n’yo na lang sa pagbibihis, ibang-iba kami. May hikaw ang mga lalaking kabataan ngayon na hindi katulad n’yo noon."

"Totoo iyan, pero mayroon din kaming suot noon na itinuturing na makabago na sa inyo ngayon ay makaluma," sagot naman ng isang matanda.

"Hindi lang iyon," habol pa ng isang kabataang lalaki. "Kayo ba noon ay mayroong computer, airplanes, nuclear power at spaceship?"

Hindi kaagad nakasagot ang matanda sa sinabi ng kabataan. Ang mga kabataan naman ay tuwang-tuwa na parang nanalo na sa labanan.

Pero sumagot din ang matanda ng mahinahon, "Tama kayo. Wala kami ng mga binanggit ninyo. Kaya naman inimbento namin ang lahat ng mga iyon."

Show comments