Isang magandang balita ang panukalang batas ng pamahalaan na bigyan ng pagkakataong huminga ang mga ordinaryong manggagawa sa malaking buwis na kinakaltas sa kanila. Ito ang matagal nang daing ng mga ordinaryong empleyado na tuwing suweldo, konti lamang ang nauuwi sa pamilya dahil sa buwis na kinakaltas sa kanila.
Sa panukalang ito, ang manggagawang sumusuweldo ng mababa sa P75,000 bawat taon ay hindi na magbabayad ng kanyang buwis. Malaking kapahingahan din ang hindi na pagsusumite ng Income Tax Return sa BIR kung ang manggagawa naman ay sumasailalim ng Withholding Tax System.
Ang panukalang ito ay isang magandang katugunan sa karaingang paghihirap na naranasan ng mga manggagawa at empleyado sa pamahalaan.
Iniulat kamakailan ang patuloy na pagtaas ng antas ng kahirapan sa bansa. Ayon sa National Statistics Office at Population Commission, mahigit 40 porsiyento ng ating mga kababayan ang dumaranas ng matinding kahirapan. Sa sitwasyong ito, kailangan nating makiisa sa panawagan ng pamahalaan na abutin ang mga magagandang plano nito. Isantabi muna ang mga personal na paniniwala at tumulong na paunlarin ang bansa. Ang pagtugon sa responsibilidad bilang mamamayang Pilipino ay kinakailangan.