^

PSN Opinyon

Gusto kasi ni Abalos ay sunud-sunuran sa kanya ang police chief sa Mandaluyong

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas -
Parang sinampal si Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos dahil sa biglang paglayas kamakailan ng hepe ng pulisya ng siyudad na si Supt. Jose Gentiles. Hindi kaila na karamihan sa mga station commanders natin ay kapit-tuko sa puwesto, ang ilan naman ay maghahanap ng padrino para mapanatili sa puwesto, pero naiiba itong si Gentiles. Sinabi ng mga pulis na nakausap ko, isinakripisyo ni Gentiles ang kanyang sarili para lamang hindi maghirap ang kapulisan sa ilalim ng administrasyon ni Abalos at mabigyan naman ng pagkakataon ang iba pang opisyal na ipakita ang kanilang kakayahan. Hindi totoo ang tinuran ni Gentiles sa kanyang relief request na mag-aaral siya sa abroad. Ang katotohanan ay may namumuong di-pagkakaintindihan sa kanila ni Abalos kaya minabuti niyang lumisan para hindi na lumala ang sitwasyon.

Sa mga nakarating na sumbong sa akin, parang ang gusto ni Abalos ay sunud-sunuran lang sa kanya ang hepe ng pulisya sa kanyang siyudad. Ayaw niya ng isang professional officer na ang kapakanan ng siyudad ang inuuna at hindi ang mga pulitiko na magaling lang sa pangakuan. Nagsimula ang alitan ng dalawa nang iutos ni Abalos ang pagdisperse ng rally ng katunggali niya sa pulitika bago ang Mayo 14 sa Maysilo Circle. Ikinatwiran kasi ni Gentiles, ayon sa sumbong na nakarating sa akin, na dapat lang sigurong ire-route ang trapik imbes na buwagin ang rally para maiwasan ang gulo. Hindi ito nagustuhan ni Abalos.

Maraming bagay-bagay pa ang isinumbong sa akin, pero ang huli ay ang isyu ukol sa police clearance. Noong wala pa sa puwesto si Gentiles, P25 lang ang bayad sa police clearance. Subalit umaabot naman sa ilang araw ang applicant para makuha ito. Sa mga nagmamadali naman, nagbabayad sila ng extra na P100 daan o malaki pa sa mga fixers. Para mapabilis ang pagkuha ng clearance at maiwasan ang pila at fixers,inarkila ni Gentiles ang serbisyo ng computerized identification system (CIS) at naging 15 minuto na lang ang proseso. Pero siyempre nagdagdag ng bayad para sa CIS at umabot nga ito ng P65. May resibo naman ang lahat ng transaksiyon. Ito ang nasilip na butas kay Gentiles na pinatulan naman ni Abalos.

Babantayan natin ang isyung ito.
* * *


VK watch!
Nagrereklamo si Jerry San Juan kung bakit ang kanyang makina lamang ang hinihila ng pulisya ng Pasay City kapag nagsagawa sila ng raid. Mula kasi ng ibulgar ko ang VK ni San Juan may 11 na ang nalapnos sa kanya. Pero hindi ko alam kung may PC board o monitor pa ang mga nakumpiskang makina. Habang nasa kay San Juan nakatuon ang mga mata ng pulisya, naglatag naman ng sangkatutak na makina itong sina SP03 Pura, SPO3 Lando Carbonnel, SPO2 Leo Palattao, SPO4 Alfredo Bautista at SPO2 Willy Hidalgo at alyas Lenny na isang barangay chairman. Hayan San Juan, parehas na ang laban n’yo diyan sa siyudad ni Pasay City Peewee Trinidad… Kung may video karera sa inyong lugar sumulat lamang sa akin at ipakumpiska natin sa ating kapulisan. Lakipan lang ang sulat ng logo ng Pilipino Star NGAYON.

ABALOS

ALFREDO BAUTISTA

GENTILES

HAYAN SAN JUAN

JERRY SAN JUAN

JOSE GENTILES

LANDO CARBONNEL

SAN JUAN

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with