Homicide hindi murder
July 7, 2001 | 12:00am
Nag-iinuman noon sina Romy, Ferdie at Hermie nang dumaan ang dalawang Bombay na sina Pranjit at Vijay na nangungulekta ng pautang. Niyaya ng tatlo ang bombay na makipag-inuman sa kanila ngunit tumanggi ito at nag-alok na lamang ng P30 para pambili ng inumin. Nainsulto ang tatlo. Pinilit nilang painumin si Vijay na pamangkin ni Pranjit. Hindi pumayag si Pranjit sapagkat menor de edad pa si Vijay. Pinatatakbo ni Pranjit si Vijay ngunit sa halip na tumakbo, hinawi nito si Pranjit at hinarap ang tatlo.
Bumunot ng patalim si Romy samantalang hinawakan nina Ferdie at Hermie si Vijay. Sinaksak ni Romy si Vijay sa dibdib. Sa pagsalag, nasaksak din sa kamay ang bata. Tumakbo naman si Pranjit, gayundin ang sugatang si Vijay. Ngunit ito’y nalagutan ng hininga.
Nasakdal at napatunayang nagkasala sina Romy, Ferdie at Hermie dahil ang pagpatay ay patraydor daw. Sinentensiyahan sila ng reclusion perpetua o hanggang 40 taong pagkabilanggo. Tama ba ang hatol sa kanila?
Hindi. ‘‘Homicide’’ lang hindi ‘‘murder’’ ang sala ng tatlo. Hindi patraydor ang pagpatay kay Vijay. Para maging patraydor, kailangan gumamit ng paraan ang nanalakay upang mawalan ng pagkakataon ang biktima na ipagtanggol ang sarili at gumanti; at ang paraang ito’y sadyang pinag-aaralan at isinagawa.
Sa kasong ito, biglaan nga ang pag-atake ngunit walang patunay na ang pagsaksak ay sadyang pinag-aralan dahil malinaw na ito’y ginawa sa isang saglit lamang. Ang pagpatay ng biglaan ay hindi maaaring patraydor sapagkat ito’y ginawa sa kapusukan. Bukod dito, si Vijay ay nababalaan ng pag-atake at siya pang lumantad upang sagipin si Pranjit sa halip na tumakbo rin. Ang sugat niya sa kamay ay nagpapatunay lang na naipagtanggol pa niya ang kanyang sarili. Homicide lang ang sala nina Romy, Fernie at Hermie. Bilanggo mula walong taon hanggang 14 na taon, walong buwan, at isang araw lang ang sentensiya nila. (People of the Philippines vs Geguira et. al. G.R. No. 130769 March 13, 2000).
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended



















