Ang diwa ng party-list system ayon sa Konstitusyon ay upang mabigyan ng partisipasyon ang mahihinang sektor ng ating lipunan sa Kongreso upang maisulong ang kanilang interes at kapakanan lalung-lalo na sa proseso ng pagsasabatas. Ang mga kinatawan ng grupo ng party-lists ay bubuo ng 20 percent sa kabuuang miyembro ng Kongreso. Ang mga kinatawang ito ay pipiliin sa pamamagitan ng election mula sa sektor ng manggagawa, pesante, maralitang tagalungsod, mga katutubong grupo, kababaihan at kabataan. Sa pagbanggit ng mga grupong ito, makikita na ang layunin sa pagkilala ng mga party-lists ay upang maging bukas ang komposisyon ng Kongreso sa interes ng mga sektor na walang kumakatawan. Ito ay isang pulitikal na reporma upang hindi tuluyang maisantabi ang kapakanan ng mga sektor na ito sa pagbalangkas ng mga batas at programa ng pamahalaan.
Mahalagang bantayan ang sistema ng party-list sapagkat isang mahalagang aspeto rin ito ang pagpapatibay ng ating demokrasya. Kung kaya nararapat lamang ang desisyon ng Korte Suprema na siyasatin ng Comelec ang mga grupong karapat-dapat maging party-list groups. Nagbigay ng walong pamantayan ang Korte Suprema sa pagkilala kung ang isang organisasyon ay dapat na mapabilang na party-list. Ito ay ang mga sumusunod: Kung ang grupo ay kumakatawan sa mga maliliit at mahihinang sektor; ang mga partidong pulitikal ay dapat na kumakatawan din sa interes ng mga marginalized sector; ang mga grupong pangrelihiyon ay hindi maaring maging party-list organizations; ang isang grupo at ang nominado nito sa Kongreso ay dapat na sumunod sa probisyon ng Party-List Act; ang isang grupo ay hindi dapat programa o napondohan ng gobyerno; at ang mga kinatawan ng grupo ay dapat na makapag-ambag sa pagsasabatas na mga panukalang magiging kapaki-pakinabang sa buong bayan.
Sa desisyong ito sana naman ay mabantayan ang integridad ng mga party-lists laban sa pang-aabuso. Ang representasyon ng ating mga maliliit at mahihinang kababayan ay huwag na nating ipagkait sa kanila. Huwag na natin silang agawan pa sa kaunting pribilehiyong ito.