Patuloy pa ring hindi nasusukol ang mga bandidong Abu Sayyaf na inakala ng marami na nanahimik na ng halos isang taon ngunit bigla na namang naghasik ng lagim noong nakaraang buwan. Hanggang sa kasalukuyan hinahabol pa rin sila ng military at pulisya.
Samantala, muling nagpakita ng kasiglahan ang New People’s Army (NPA) na umakong sila ang may kinalaman sa pagpatay kay Cagayan Rep. Rodolfo Aguinaldo. Ang mga NPA rin ang umaming pumatay kay Quezon Rep. Marcial Punzalan at Mayor Cesar Platon ng Tanauan, Batangas. Naganap ang mga patayang ito samantalang nag-uusap tungkol sa pangkapayapaan ang mga kinatawan ng pamahalaan at mga pinuno ng National Democratic Front (NDF).
Natutuwa ako na todo na ang iginagawad na pansin ni President Gloria Macapagal-Arroyo sa kahalagahan ng pagpapatuloy ng pag-uusap ng gobyerno sa NDF at sa kaalyado nitong Communist Party of the Philippines (CPP) sapagkat malaki ang impluwensiya ng mga ito sa pangkalahatang kapayapaan sa Pilipinas. Bilang pagpapatunay kung gaano kahalaga ang peace talks, dinagdagan pa ni GMA ang mga katulong ni Presidential Adviser for Peace Process Eduardo Ermita ng mga taong may malaking kaalaman sa bagay ng kapayapaan. Ang mga ito ay sina Sen. Rodolfo Biazon, Rep. Rolando Andaya at Justice Secretary Hernando Perez.
Dapat nang magkaroon ng pagkakaunawaan at pagkakaisa ang NDF-CPP-NPA upang maibsan na ang patuloy na kaguluhan sa ating bayan. Kapag nakamtan na ang tagumpay ng naturang peace talks, malaking kaginhawahan na sa kapayapaan sa ating bansa. Marami ang umaasa na magugupo na rin ng gobyerno ang mga Abu Sayyaf. At sana naman ay masupil na rin ng pamahalaan ang nakaiirita nang mga kidnapping for ransom at iba’t iba pang uri ng krimen sa ating bansa.