Maganda ang pakikisama ng magsasaka sa mga taga-nayon lalo na sa mga kapitbahay. Hindi siya naninira ng sinuman. Wala siyang alam na kaaway.
Tuwing may gawain sa nayon ay nag-aabuloy siya o tumutulong. Gaya ng paggawa ng paaralan o ng kalsada. Pag may bisita ay kasama siya sa pagpapakain.
Hindi siya nagsisinungaling kailanman. Ang buong buhay ay nakatutok sa pamilya at sa kanyang pagsasaka.
Isang araw ay may dumating na sulat na nagsasaad na kulang ang ibinayad niyang buwis sa nakaraang limang taon. Hindi niya nalaman na kailangan palang magbayad ng buwis para sa kanyang dalawang alagang baka. Noon lang siya nasita ng opisina na nangungolekta ng buwis.
Hindi siya makatulog ng isang linggo. Hindi niya matanggap na nagkulang siya sa pagbabayad ng buwis.
Sinagot ang sulat at naglakip ng pera. "Tama po kayo. May pagkukulang akong buwis dahil sa dalawa kong baka. Kalakip po ng aking sulat ang halaga para sa aking obligasyon. Isang linggo po akong hindi makatulog. Gumagalang..." Nakalagda ang magsasaka.
Sa baba ng sulat ay may pahabol. "Pag nagpatuloy na hindi ako makatulog ay dadagdagan ko pa ang aking ibabayad na buwis para sa dalawa kong baka."