Dahil sa pagpatay kay Aguinaldo, itinigil ang pag-uusap sa Oslo na pinamumunuan ni Silvestre Bello III. Mariin nitong kinondena ang pagpatay kay Aguinaldo. Ang pag-atras ng gobyerno sa pag-uusap ay binatikos naman ng NDF at nagpahayag na rin na huwag nang bumalik sa negosasyon. Hindi pa natatagalan nang magsimula ang pag-uusap sa kapayapaan at wala pang gaanong napagkakasunduan tungkol dito. Nagpahayag na ng mga maaanghang na salita si NDF chief political consultant Jose Ma. Sison at sinabing ang gobyerno mismo ang sumisira sa peace negotiations. Tinawag ni Sison na iresponsable ang gobyerno ni President Gloria Macapagal-Arroyo sa pagdedeklara ng recess.
Bago ang pagpatay kay Aguinaldo, dalawa pang pulitiko ang itinumba ng mga pinaghihinalaang NPA. Bago mag-election noong May 14, itinumba si Tanauan Batangas Mayor Cesar Platon at kasunod niyon ay si Quezon Rep. Marcial Punzalan naman ang niratrat ng bala.
Hindi masisisi ang gobyerno sa pagdedeklara ng recess sapagkat masakit ang pangyayaring habang nakikipag-usap ay mayroon namang tumitimbuwang. Nakikipag-usap sila para sa kapayapaan subalit tila kaguluhan naman ang iginaganti ng kalaban. Paano matatamo ang kapayapaan sa ganitong sitwasyon?
Iisa ang pahiwatig ng mga pangyayaring ito, hindi na kontrolado ng NDF ang kanilang mga galamay at maaaring watak-watak na kaya walang pigil sa pagbuga ng bala. Wala nang paggalang sa napagkasunduang pag-uusap. Mas mabuti nga sigurong itigil muna ang pag-uusap kung ganito kagulo ang kahahantungan. Ituloy lamang ito kung kapwa handa na at wala nang mangyayaring traiduran.