Sa mga walanghiyang Abu Sayyaf na lamang ay ubos na ang pasensiya ng mamamayan. Imbes na ang mga sundalo ang makalamang, lumalabas na ang nakauungos ay ang mga bandido. Sila pa ang malakas ang loob na manakot at mag-demand.
Habang naghahasik ng lagim ang mga bandido sa Mindanao nagwawala naman ang NPA. Tumirada ang NPA sa Cagayan at pinatay si Rep. Rodolfo Aguinaldo. Kamakailan ay pinatay din ng mga NPA si Quezon Rep. Marcial Punzalan. Ang NPA rin diumano ang pumatay kay Cesar Platon ng Batangas.
Sa dalawang problemang ito ay naglulumuhod na ang bansa natin. Hindi lamang milyun-milyong piso araw-araw ang nalalaspag sa kaban ng ating bansa. Malaki ang epekto nito sa sosyal at ekonomiya ng bansa lalo na sa turismo at iba pang bagay-pangkabuhayan. Papaano pa kung idadagdag sa mga problemang ito ang tungkol kay dating President Erap, ang mga usaping pampulitika, pagbagsak ng piso, pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang mga pangunahing bilihin.
Sa dami ng mga problemang ito sa ating bansa, kaiinggitan pa ba ninyo si President Gloria Macapagal-Arroyo? Oo nga at malaking karangalan ang maging Presidente ng bansa ngunit ang katapat nito ay ang laki ng responsibilidad na walang kapantay. Kung kaya kailangan nating suportahan at ipanalangin si GMA upang mabigyan siya ng Diyos ng malinaw na pag-iisip at lakas ng loob upang maitawid ang bansa sa kaguluhan at matamo ng mamamayan ang mapayapa at magandang pamumuhay.