^

PSN Opinyon

Gen. Galang, kung magpalit kaya kayo ng puwesto ng misis mong si Tina

-
Nagmu-Mutiny ang mga opisyales ng Police Regional Office 3 (PRO) laban sa kanilang hepe na si Chief Supt. Ike Galang, dahil umano sa sobrang pakikialam ng asawa nitong si Tina sa trabaho ng pulisya sa Central Luzon. Hindi nagustuhan ng mga opisyal sa pamumuno ni Senior Supt. Nap delos Santos ang chief of staff ng PRO 3 ang pakikialam ni Tina kaya’t umalsa sila at sumulat kay PNP Chief Director General Leandro Mendoza para maagapan ang problema.

Subalit imbes na sagutin point-by-point ang mga karaingan nina Delos Santos kay Mendoza, ang ginawa umano ni Galang ay siniraan sa kanyang sulat ang mga opisyal, sabay palabas ng kautusang pagsipa sa kanila sa puwesto. Siyempre, pumalag ang grupo ni Delos Santos. Hindi sila umalis sa kani-kanilang puwesto. Sumulat uli sila kay Mendoza at humihiling ng confrontation para maliwanagang mabuti ang problema ukol kay Tina. Sa nangyari tuloy, ang mga opisyales na gusto ni Galang na pumalit sa grupo ni Delos Santos ay hindi rin nakaupo. Ngayon kapag lumala ang problema baka magkaroon ng breakdown sa peace order sa Central Luzon pagkatapos nitong May 14 elections.

Sa pagkaalam ko, itong kaso ni Galang ay hindi nag-iisa. Marami nito sa hanay ng ating pulisya subalit itong grupo lang ni Delos Santos ang naglakas-loob na ibulgar ito. Dito mismo sa Maynila ay may nangyari na ring ganyang kaso. Sinibak ang dating hepe ng Western Police District (WPD) noon dahil nga sa pakikialam ng kanyang asawa. Susunod kaya sa yapak niya si C/Supt. Galang? Siguro kung hindi niya mapoposasan itong si Tina.

Si Galang, ayon sa aking espiya, ay personal choice ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo sa puwesto. Kung sesemplang si Galang ibig sabihin nito kabit din sa problema niya si GMA, di ba mga suki? Si Galang ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class ’73 samantalang si Delos Santos ay kasama sa Class ’75. Sa history ng PMA kasi, ang mga underclass ay umaalma lamang sa kanilang superior kapag sobra na talaga ang kasalanan nito o ’ika nga ay puno na ang salop. Kung hindi masasawata ni Galang itong si Tina sa palagay ko dapat magpalit na sila ng puwesto. Mag-uniporme o mag-pulis na lang itong si Tina at si Galang na lang ang maiwan sa bahay para magbantay ng kanilang mga anak. Ano ba ’yan?

Maging si Mendoza ay naguluhan sa kaso ni Galang, na ayon sa aking espiya, ay magaling sa bukabolaryo o papeles subalit sa aksiyon ay mahina. Dapat gumawa ka ng aksiyon para maibalik ang paggalang sa ’yo ng mga nagmu-mutiny mong opisyal General Galang Sir. Usap-usapan na sa mga kampo ng pulisya itong kaso ni Galang. Kung anoman ang kahihinatnan ng kaso ni Galang ay maaaring magiging silbing leksiyon diyan sa ilan pa nating opisyal ng pulisya na kung tawagin ay ‘‘under de saya.’’ He-he-he!

CENTRAL LUZON

DELOS SANTOS

GALANG

MENDOZA

SI GALANG

TINA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with