^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Madalas na aksidente sa North Expressway

-
Panahon na marahil para magising ang Philippine National Construction Corporation (PNCC) na namamahala sa North Luzon Expressway. Sa loob lamang ng isang buwan, 17 katao na ang namamatay dito dahil sa malalagim na aksidente. At wala namang paraang ginagawa ang PNCC upang malaman ang mga dahilan kung bakit nagiging madalas ang aksidente sa minamantine nilang kalsada.

Nagsimula ang malalagim na aksidente noong March 19 kung saan ay 12 ang namatay nang bumangga sa isang trailer truck ang RAM transit bus sa Bocaue, Bulacan. Umano’y tumawid ang trailer truck na patungong Maynila sa lane na binabagtas ng bus na patungo namang Nueva Ecija. Nagkalasug-lasog ang katawan ng mga biktima sa lakas ng pagkakabangga.

Mula noon ay pawang may nagaganap nang aksidente kung Lunes sa North Luzon Expressway. Kung hindi bumabangga ay tumatalon sa ilog ang sasakyan gaya ng isang pampasaherong bus na nahulog sa tulay may isang kilometro lamang ang layo sa Balintawak toll plaza. Bumagsak ang bus sa isang bahay kung saan ay dalawa ang namatay. Noong Huwebes, tatlong magkakahiwalay na aksidente na naman ang naganap at pawang sa North Luzon Expressway din. Ang unang aksidente ay nangyari sa Gen. T. de Leon, Valenzuela nang isang owner type jeep na patungong Bulacan ang tumawid sa kabilang lane at bumangga sa isang KIA Pregio. Patay ang driver ng jeep. Samantala’y isang Isuzu Elf van ang nawalan ng kontrol sa Bgy. Burol, Balagtas Bulacan at bumangga sa dalawa pang kasalubong na sasakyan. Apat ang namatay sa banggaang ito.

Bagamat hindi sa lahat ng oras ay masusubaybayan ng PNCC ang galaw ng mga motoristang nagdaraan sa expressway, maaari naman silang maglagay ng mga malalaking karatula na nagpapaalala sa mga ito. Kapansin-pansing walang mga signboard na nagpapaalala sa mga motorista na dapat silang mag-ingat sa pagmamaneho. Dapat gawing makatotohanan ng PNCC ang pagpapaalala sa mga motorista upang mailayo sa kapahamakan. Dapat din sigurong inspeksiyunin ng PNCC kung may mga sirang kalsada na nagiging dahilan para magkaroon ng aksidente.

Ngayong Mahal na Araw ay magdadagsaan ang mga tao sa probinsiya at kailangan nila ng paalala upang mag-ingat habang naglalakbay. Hindi lamang sa North Luzon Expressway nagkakaroon ng aksidente kundi maging sa South Expressway. Kailangan pa bang marami munang mamatay bago malaman ng PNCC ang pagkukulang o sadyang tama na lamang na maningil sila nang maningil ng toll fee?

AKSIDENTE

BALAGTAS BULACAN

BULACAN

DAPAT

ISANG

NORTH LUZON EXPRESSWAY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with