Si Abby ay isang sekretarya. Nakilala niya si Tony na kliyente ng kanyang amo. Ito ay humantong sa paglabas-labas na nahinto ng magbitiw si Abby sa trabaho. Pero nagkita silang muli at nagpakasal pagkaraan ng apat na taong ligawan. Nang magdalantao si Abby, nalaman niya na may asawa na pala si Tony. Ang siphayo ni Abby ay natabunan ng pagmamahal ni Tony, na kung hindi makapunta ay ipinahahatid ang pangangailangan niya kay Gene, isang pinagkakatiwalaang empleyado nito.
Isinilang ni Abby si Donita. Inayos ni Tony ang lahat ng impormasyon para sa birth certificate ng anak sa tulong ng isang nurse. Hindi lamang siya nakapirma rito dahil maaga siyang umalis ng araw na lagdaan na ang dokumento. Mahal ni Tony ang anak, kaya’t siya ang lumalagda sa report card nito ng ito ay nag-aaral na bilang magulang. Nang walong taong gulang na si Donita, hindi na umuwi si Tony at natigil pati ang sustento nito.
Nagsampa ng kaso si Abby para akuin ni Tony na anak niya si Donita at magbigay ng sustento rito. Ipinakita ni Abby sa hukuman ang birth certificate bilang ebidensiya. Pinabulaanan ito ni Tony sapagkat wala raw siyang lagda at itinuro si Gene na siya raw ang ama ni Donita. Tama ba si Tony?
Mali. Kahit totoong hindi maaaring ebidensiya ang birth certificate kung walang pirma ng ama, ito ay hindi masusunod kung ang ama mismo ang nagbigay ng impormasyon tungkol sa pagsilang ng bata at nagpalagay ng kanyang pangalan bilang ama sa dokumento. Samakatuwid, kahit hindi lumagda si Tony sa birth certificate ni Donita, ito ay makabuluhang pagpapatunay pa rin na siya mismo ang ama ng huli. Ang alegasyon ni Tony na si Gene ay ama ay hindi paniniwalaan dahil sa liit ng kita nito ay hindi niya kayang umupa ng tirahan, at suportahan ang pangangailangan ng mag-ina. (Ilano vs. CA, GR#104376, Feb. 23, 1994).