Bigat at gaan ng hustisya

Usap-Usapan pa rin ang dalawang sensational na kaso sa Quezon City. Sina PNP Supt. Francisco Ovilla at siyam na Kamias pulis ay pinatawan ng parusang kamatayan sa qualified bribery. ’Yung dalawang may-ari ng Ozone Disco, kung saan 160 ang namatay sa sunog, apat na taon lang ang sentensiya. May nagtatanong: Ba’t ganoon ang hustisya? Suhulan lang, bitay na. Pero 160 ang namatay, apat na taon lang sa kalaboso.

Simple ang paliwanag ni Dean Amado Valdez ng UE College of Law at komentarista sa DZMM. Mabigat ang kasong qualified bribery. Para raw itong extortion. Pinalaya nina Ovilla ang dalawang Taiwanese drug lords na nahuli sa buy-bust. Sinuhulan sila ng P650,000, kotseng gamit ng dalawa, at ’yung kilo-kilong shabu na nasabat. Heinous crime ang drug-trafficking. Lethal injection ang parusa. Gayun din ang qualified bribery. Dahil pinawalan nina Ovilla ang drug lords na dapat mabitay, sila ngayon ang mabibitay. ’Yan ang pilosopiya ng batas.

Ani Dean Valdez, magaan lang ang naging kaso ng dalawang may-ari ng Ozone. Reckless imprudence leading to homicide o kapabayaang nauwi sa kamatayan. Kapabayaan dahil hindi sinunod ang mga regulasyon sa kuryente. Kapabayaan dahil kulang ang fire exits at extinguishers. Kapabayaan dahil hinarang ng security guards ang mga tumatakbong guest, sa suspetsang nag-wa-one-two-three ang mga ito sa bills nila.

Sa reckless imprudence, apat na taon lang ang maximum sentence. Tsaka, pinagbayad ang dalawang taga-Ozone ng P20 milyon sa mga namatay at nasugatan. Iba sana kung ang kaso ay direct homicide, imbes na reckless imprudence lang. Tiyak, habambuhay na kulong ang parusa. ’Yun nga raw dapat ang kaso ng dalawa, ani Dean Valdez. Kung tinakot mo ang isang maingay na kapitbahay na tatagain mo siya, grave threat. Kung sa pananakot mo ay nadulas at pumalo ang ulo sa semento at namatay ang kapitbahay, dapat homicide na. Pero ang kaso sa Ozone, reckless imprudence lang. Kaya apat na taong kulong lang din.
* * *
Lumiham sa Pilipino Star NGAYON o sa jariusbondoc@workmail.com

Show comments