Si Mercy po ay 12 anyos at first year high school sa isang public school. Nangutang po ang kanyang tatay sa kanilang kapitbahay ng P10,000 nang magkasakit ang nanay ni Mercy. Isang taon na po ang utang na iyon at hindi pa rin mabayad-bayaran ng tatay ni Mercy dahil wala itong trabaho, dagdag pay sakitin ito. Dahil dito napagkasunduan nila na papasukin na lamang bilang katulong si Mercy sa pinagkautangan. Napilitan itong huminto sa pag-aaral upang bayaran ang utang ng mga magulang.
Nakakaawa po ang kalagayan ni Mercy dahil trabahong matatanda ang kanyang ginagawa. Siya ang naglalaba, namamalantsa at tumatao sa puwesto sa palengke. Halos hindi ko siya nakilala nang huli kong makita.
Di po bat bawal sa menor de edad na pumasok bilang katulong? Maaari po ba naming isumbong sa DSWD ang pang-aabusong ito kay Mercy bagaman may permiso naman ang mga magulang nito? Dapat bang gamitin ang bata upang bayaran ang pagkakautang ng mga magulang? Lander Trio, Lolomboy, Bulacan
Bawal sa batas ang pagpapatrabaho sa menor de edad. Ayos sa batas, walang bata sa ilalim ng 15 taon na magtatrabaho, maliban na lamang kung siya ay nagtatrabaho, sa ilalim ng superbisyon ng kanyang mga magulang o guardian at ang pagtatrabaho niya ay hindi makasisira sa kanyang pag-aaral.
Kayat maaari ninyong isumbong sa DSWD ang pangyayaring ito upang ang pobreng menor de edad ay maisaayos ang kanyang buhay.
Maaari pa ngang masampahan ng kaso ang amo ni Mercy. Sa ilalim ng Criminal Code, ipinagbabawal ang pagpatrabaho sa isang menor de edad upang bayaran ang utang ng kanyang mga magulang, nakatatandang kamag-anak (ascendant), Guardian o taong nag-aalaga ng menor de edad kapag ito ay nagtatrabaho laban sa kanyang kalooban at kagustuhan.