^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Bomba ni Wong

-
Hindi dapat ipagwalambahala ni President Gloria Macapagal-Arroyo ang mga alegasyon ni Rear Adm. Guillermo Wong na nagkaroon ng kuwestiyonableng pagbili ng mga kagamitan para sa Philippine Marines. Ang isyu ay nahalukay dahil sa talumpating binigkas ni Wong noong February 15 sa harap ng mga marines. Sa talumpati ay hayagang sinabi ni Wong ang anomalya tungkol sa P10-milyong pambili ng mga night-vision goggles at iba pang communications equipment. Inakusahan ni Wong ng corruption ang marine commandant na si Maj. Gen. Librado Ladia. Ang masaklap ay nakaladkad din ang pangalan ni senador at dating marine commandant Rodolfo Biazon. Ayon kay Wong, galing kay Biazon ang pera. Subalit nang ibibili na ito ng mga gamit, dalawang supplier ang sumulpot at ang mga ito ay konektado kay Biazon.

Ang mararahas subalit may pagmamalasakit na sinabi ni Wong sa kanyang nasasakupan ay hindi ikinagusto ng mga marines. Anila’y ipinahiya sila ni Wong. Hiniling ng mga marines na sibakin si Wong at kung hindi ay maglulunsad sila ng kudeta. Umaksiyon kaagad si Armed Forces chief Gen. Angelo Reyes at ini-reassign si Wong sa ibang post. Subalit para kay Wong, ang reassignment ay katumbas ng demotion kaya hindi niya tinanggap. Nasa floating status siya ngayon at maghihintay hanggang December kung saan siya ay magreretiro na lamang. Kumalat ang balitang sadyang sinibak si Wong dahil sa banta ng marines na magkukudeta na itinanggi naman ni Reyes.

Hindi ito ang unang pagkakataon na may pumutok na anomalya sa AFP dahil sa pagbili ng mga kagamitan. Malaking pera ang involved sa pagbili ng mga gamit at siyempre, kasunod na rito ang corruption. Kahit saan ay hindi humihinto ang kamandag ng corruption. At kung pakaiisiping mabuti, maaaring mabuti ang intensiyon ni Wong sa pagsisiwalat ng kabulukan sa marines. Hindi niya ibig ipahiya ang mga marines kundi upang mahinto na ang aniya’y corruption. Maaaring hindi na niya masikmura kung anuman ang nakikita o naaamoy na kabulukan dito.

Hindi dapat ipagwalambahala ni GMA ang alegasyong ito na ngayo’y kasangkot pa si Biazon. Halungkatin ang anomalya. Hindi ba’t ang hangad ni GMA ay maging malinis at mapagkakatiwalaan ang pamahalaan, ito na ang pagkakataon upang matupad ang pangako. Kailangang maaninag ng taumbayan ang mga nangyayari sa pamahalaan na hindi tulad ng sa napatalsik na si President Estrada na batbat ng pagdududa at kahina-hinalang mga aksiyon. Imbestigahan ang bomba ni Wong, Mrs. President.

ANGELO REYES

ARMED FORCES

BIAZON

GUILLERMO WONG

WONG

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with