Sa panahon ni Estrada ay dumami ang mga smugglers. May mga smugglers ng manok, asukal, mamahaling sasakyan at kung anu-ano pa. Nang mabulgar ang tungkol sa talamak na smuggling sa bansa, kunwari’y mabilis na kumilos si Estrada at nagtayo pa ng task force para masugpo ang masamang gawaing ito. Wala ring nangyari. Tuloy ang kurakutan. Sinibak ni Estrada si dating Customs Commissioner Nelson Tan na umano’y walang silbi. Naghanap ng kapalit si Estrada subalit makalipas lamang ang isang linggo, nag-resign na ang ipinalit dito. Hindi umano masikmura ng ipinalit na commissioner ang kabulukang nangyayari sa bureau.
Habang patuloy na nagkukunwari ang Estrada administration sa pagsugpo sa katiwalian, patuloy namang namamayagpag ang kanyang mga kamag-anak at kaibigan sa pag-iismuggle. Naglabas pa ang Malacañang ng mga listahan ng mga bigtime smugglers. Subalit sa dami ng inilabas, isa lamang ang nadakma. Ito ay si Lucio Lao Co. Subalit makaraang hulihin ng Philippine National Police si Co, pinakawalan din ito dahil umano sa kakulangan ng ebidensiya. Naglagay uli ng bagong commissioner sa Customs, isang kaklase ni Estrada subalit ganoon pa rin ang tanawin ng kabulukan. Napabalita pang smuggler ang isang kabit ni Estrada.
Ngayon ay bago na ang administrasyon at umaasa na walang kamag-anak o kaibigan si President Gloria Macapagal-Arroyo na maghahari-harian sa Customs. Sawang-sawa na ang taumbayan sa katiwalian at hindi na dapat maulit ang nangyari. Tagpasin na ang ulo ng mga smugglers at ang mga opisyal ng Customs na kumakalong sa mga ito. Tama na sobra na!