^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Pasko ng mahirap

-
MARAMI sa kanila ang hindi alam ang isyu ng jueteng scandal, nang walang tigil na pagtaas ng gasolina, ng wiretapping, ng grabeng traffic, nang mabahong basura, ng air pollution, ng corruption, ng mga sira-sirang kalye at kung anu-ano pang mga problemang pasan ngayon ng bayan. Hindi nila alam ang dahilan kung bakit maraming Pasko na ang nakalilipas ay patuloy pa ring salat ang kanilang pamumuhay. Ang Pasko ng mahihirap ay patuloy sa kabila na may pinunong nangako na itatakas sila sa karalitaan.

Narito ang larawan ng isang mahirap na Pasko. Matagal na ang pamilyang iyon sa gilid ng isang supermarket sa Rizal Avenue, di-kalayuan sa Odeon Theatre. Ilang Pasko na silang naroon. "Tahanan" na nila ang madilim na sulok na nalalatagan ng pinagtagpi-tagping karton. Sa gabi ay bahagyang maliwanag sa "tahanang" iyon dahil sa talsik ng liwanag mula sa isang videoke bar. Nag-iisa ang anak ng mag-asawang ang ikinabubuhay ay ang pagtitinda ng sigarilyo, juicy at mga sitsirya. Kung minsan ang ama ay umiekstrang barker sa terminal ng bus sa Doroteo Jose St.

Kung panahon ng tag-ulan ay mas matindi ang dinaranas ng mag-anak na mahirap sapagkat ang tubig mula sa Rizal Avenue ay umaapaw sa kanilang "tahanan". Kahalo ng tubig-baha ang ihi ng daga, kabayo, at tao na nagbubunga ng leptospirosis. Walang sementong matulugan at ang kanilang anak ay umiiyak sa ginaw, sa kagat ng lamok at marahil ay sa gutom. Kung tag-ulan ay mahirap humanap ng pagkakakitaan. Ni hindi maaasahan ang pagtitinda ng sigarilyo o sitsirya at ganoon din ang pagba-barker.

Ngayong Pasko’y naroon pa rin sila at walang pagbabago sa gagawing pagseselebra. Malaki na ang kanilang anak subalit halatang malaki ang tiyan at maliliit ang braso. Maluwang ang suot na t-shirt ng bata subalit walang salwal. May ilang umaaligid na langaw sa ginagalis nitong ulo. Ang ina ay nagtitinda pa rin ng sigarilyo at juicy. Samantalang ang ama ay nasa Doroteo Jose at nananawag ng pasaherong patungong Novaliches at Sapangpalay.

Sa kanilang "tahanan" ay mayroon namang nabago. May lumalangitngit na roong kalawanging folding bed. Madilim pa rin sa sulok kung araw samantalang sa gabi ay tinatalsikan ng liwanag mula sa isang videoke bar na may umaatungal na lasing. Maraming pumapasok sa videoke bar ngayong Pasko sapagkat inuubos ang bonus.

Iyan ang Pasko ng mahirap sa Rizal Avenue. Kabilang sila sa hindi alam ang mga isyung nakabalot ngayon sa bayan. Subalit alam nilang si Erap ay para sa mahirap. At narinig na rin nila ang sinabi ni Erap na malinis ang konsensiya at walang tinanggap na isang sentimo sa jueteng. Liban doon ay wala na silang alam.

ANG PASKO

DOROTEO JOSE

DOROTEO JOSE ST.

ERAP

ILANG PASKO

NGAYONG PASKO

ODEON THEATRE

PASKO

RIZAL AVENUE

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with