Ngayon, ang layunin ng martsang ito ay hindi upang pabagsakin ang mga pader ng Senado kundi upang mawala ang anumang balakid para sa makatotohanan at makatarungang pagpapasya sa kaso ng impeachment. Gaya nga ng sinumpaang tungkulin ng mga Senador na sisilbihan nila ang buong bayan sa pamamagitan ng walang kinikilingang katarungan sa kanilang desisyon.
Ngayon na tapos na ang kontrobersya sa eleksiyon sa Amerika ay inaasahan dadagsa ang mga mamamahayag na dayuhan sa bansa upang kumalap ng mga balita tungkol sa impeachment. Ang paglilitis daw kay President Estrada ay isang napakalaking kaganapan at lubhang makasaysayan. Maaari raw itong ihambing sa pagkamatay at paglibing kay dating Sen. Benigno Aquino at ang people power noong 1986. Ang ibang bansa raw ay lubhang interesado sa mga nangyayari sa bansa kaya lalo sana tayong maging maagap at mapagmatyag sa mga pangyayari.
Pormal nang uumpisahan ang pinakapunto ng impeachment trial at ang pagharap ng mga testigo kung kaya may lalo at higit ang ating pagbabantay. Magbasa po tayo ng mga peryodiko, manood sa mga balita at makinig sa mga pagsusuri upang maging tayo mismo ay maging sambayanan ng mga nag-iisip at nagbubuo ng kapasyahan ayon sa konkretong ebidensiya. Naniniwala po ako na ang pagkakaroon ng mapanuri at nag-iisip na mamamayan ang pinakamatibay na pundasyon ng demokrasya. Ang mapanuri ring mamamayan ang pinakamainam na sandata laban sa isang mapaniil at abusadong pamahalaan.