Nagpapakita ng kahinaan ang mga pulis sa paglutas ng mga kaso at tila wala nang pagnanasang tuparin ang tungkulin. Isa rito ang tungkol sa kidnapping. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa nakikita ang magkakapatid na sina Jasmine, John Christian at Joey Cua at drayber nilang si Benito de la Cruz. Kinidnap ang apat sa kanto ng Del Monte at Cordillera Sts., Quezon City noong October 3. Tumakas ang mga kidnaper sakay ng Starex van. Ano na ang ginagawa ng PNP sa problemang ito?
Noong Biyernes ay misteryosong nawala ang public relations practitioner na si Salvador "Bubby" Dacer, 63. Kasamang nawala ni Dacer ang kanyang driver na si Manuel Corbito habang patungo ito sa kanyang opisina sa Manila Hotel dakong alas-10:15 ng umaga. May appointment siya kay dating President Fidel Ramos. Sinabi ng mga anak ni Dacer na umalis ito ng kanilang bahay sa Sun Valley Subd. Parañaque City dakong alas-9 ng umaga sakay ng Toyota Revo. Mula noon ay hindi na nakita si Dacer. Si Dacer ay nagsilbi bilang publicist ni Ramos. Noong nakaraang taon, iniugnay si Dacer ng Malacañang na nasa likod ng "3 Ds" plot na nagpapakalat ng mga disinformation laban sa Estrada administration. Subalit may mga kumalat ding balita na nagtatrabaho rin ito sa kasalukuyang administration.
Humingi ng tulong ang mga anak ni Dacer kay PNP chief Director Panfilo Lacson na hanapin ang kanilang ama. Kung ang abduction umano sa kanilang ama ay may kaugnayan sa nangyayaring kaguluhan sa bansa, nakikiusap silang palayain ito. Hanggang sa kasalukuyan, wala pang lead ang pulisya sa kinaroroonan ni Dacer. Nagpapakitang mabagal silang kumilos.
Sa panahong ito na batbat ng hirap at kalituhan ang taumbayan, dapat kumilos ang PNP upang masugpo ang kriminalidad. Hindi dapat magpabaya ang PNP sa pagtupad ng tungkulin. Sa misteryosong pagkawala ni Dacer, hindi naman ito dapat ipagwalang-bahala ng pamahalaan. Hindi dapat manaig ang masasamang gawain, karahasan at maruruming taktika na lalong maghuhulog sa pagbagsak ng bansang ito. Kawawa ang taumbayan.