Bakit daw sinasabi kong "neutral" ako sa isyu laban kay President Estrada gayung sa ating editorial at litra-talks ay "halatang ibig nyong matanggal si Erap."
Neutral talaga ako. Hindi ko kino-convict na nagkasala nga ang Pangulo gaya ng inaakusa ni Chavit Singson dahil naniniwala akong dapat sumailalim sa paglilitis ang Pangulo gaya ng napipintong gawin ng Senado.
Pero naniniwala ako na ang kusang-loob na pagbaba sa tungkulin ng Pangulo ay makatutulong upang ibsan ang lumulubhang suliraning pangkabuhayan ng bansa.
Naghihirap ang taumbayan ngayon dahil sa pagkawala ng tiwala ng mga investors sa liderato.
Hindi nangangahulugang nagkasala nga siya. Pero katotohanang nagdudumilat ang perception ng publiko laban sa kanya. Napatunayan natin ito sa nakaraang welga ng mamamayan noong Martes.
Pero di puwedeng puwersahing bumaba sa tungkulin ang Pangulo. Labag sa batas kung lulusob ang taumbayan sa Palasyo and bodily pull him out of his chair.
Ang mga rally at mass action ay sa layuning hikayatin siyang bumaba sa tungkulin.
Pero kung ayaw niya, wala tayong magagawa. Pero wala rin tayong magagawa para pigilin ang mamamayang kontra sa kanya sa isinasagawa nilang kilos-protesta.
Maaari namang gawin ang mga kilos-protestang ito habang ang impeachment process ay isinusulong. Pero ang impeachment ay lubhang masalimuot at mahabang proseso.
At kung papabor ang resulta ng trial ng Senado sa Pangulo, baka mawalan ito ng kredibilidad at hindi tanggapin ng taumbayan dahil ang perception ay pro-Estrada ang Senadong lumitis sa Pangulo.
Therefore, posibleng hindi matapos ang mga kilos-protesta kahit pa ma-acquit ang Pangulo maliban na lamang kung ang mga ebidensyang maihaharap sa paglilitis ay malinaw na magpapawalang-sala sa Pangulo at makukumbinsi ang taumbayan.
Kaya kung ako ang Pangulo, kahit naniniwala akong malinis ang aking budhi, kusa na lamang akong magbibitiw at pabayaang pumasok ang bagong liderato. Sa gayoy maibabalik ang kumpiyansa ng taumbayan sa pamahalaan sa paraang mabilis. Ang problema ay... hindi ako ang Pangulo.
Sanay naipaliwanag ko ang aking paninindigan sa usapin. Ang hangad ko lang ay maging klaro sa mata ng taumbayan ang proseso ng paglilitis at ang ebidensya pabor o laban sa Pangulo ay maihaharap nang malinaw sa taumbayan.