^

PSN Opinyon

Editoryal - Huwag 'pakikialaman' ang impeachment trial

-
KUNG panghihimasukan ng administrasyon ang impeachment trial bukas malamang na bumagsak uli ang piso at tatamlay na naman ang trading sa stock market. Nakatutok sa isasagawang trial ang mga namumuhunan at habang may naaamoy silang pakikialam para masira ang proseso ng trial sa jueteng scandal malaking kasiraan ito. Nakikiramdam ang lahat. Biglang lumakas noong nakaraang Lunes ang piso – naging P48 bawat $1 at sumigla ang stock market makaraang mabalitang magbibitiw na sa puwesto si Estrada. Subalit kamakalawa’y bumagsak uli ang stock market ng 34 points at ang piso ay bumalik sa mahigit P50 laban sa $1. Sinabi ng mga analyst na ang pagbulusok na ito ay dahil sa napabalitang ang mga kaalyado ni Estrada ay naghahanda para hadlangan ang impeachment trial bukas. Kumalat din ang balitang bibigyan ng Malacañang ng P1 milyon bawat isang senador para lamang malusutan ni Estrada ang impeachment case.

Nitong mga nagdaang araw naging vocal na si Estrada tungkol sa jueteng payola na ibinunyag ni Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson. Noong Huwebes, inamin nitong nagbigay nga ng P200 milyong suhol si Singson subalit ito ay idineposito sa banko ni Atty. Edward Serafio na nangangasiwa naman ng Muslim youth foundation. Bukod sa jueteng payola, inakusahan din ni Singson si Estrada sa pagbubulsa ng milyong pisong excise tax ng tobacco. Nagpainterbyu pa si Estrada kamakalawa sa mga foreign journalists. Namula ang pisngi niya sa mga katanungan.

Kapansin-pansin din na masigasig si Estrada sa pagsasabi sa kanyang mga kapanalig na umpisahan na ang impeachment trial upang malinis na niya ang kanyang pangalan. Subalit kung gaano kasigasig si Estrada tila marami sa kanyang mga kapanalig ang kumikilos para ideskaril ang isasagawang trial bukas. Marami umanong binabalak ang mga kongresistang maka-administrasyon para ma-delay ang impeachment. Isa rito ang bulung-bulungang ikukudeta ang Senate President at ang House Speaker.

Marami ang magmamasid sa isasagawang trial at ang anumang balak na panghihimasok o pakikialam ng administration dito ay isang malaking kamaliang kanilang gagawin. Ang anumang panghihimasok ay banta sa pagbagsak pa ng ekonomiya. Kung ang trial ay hahaluan ng panlilinlang lalo nang magwawala ang taumbayan at babaha ng mga protesta. Dapat ilagay sa ayos ang pagiging makatotohanan ng impeachment process. Si Estrada na rin ang nagsabi na sa impeachment trial lalabas ang katotohanan gaya ng madalas niyang sabihing malinis ang kanyang konsiyensiya at wala siyang tinanggap ni isang sentimo sa jueteng. Dapat niyang turuan ang mga kaalyado.

DAPAT

EDWARD SERAFIO

ESTRADA

HOUSE SPEAKER

SINGSON

TRIAL

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with