Ang aking amo ay nagmamay-ari ng bar dito sa aming lugar. Inamin po niya na sa loob ng limang taon, naglalagay siya para makakuha ng mayors permit. Subalit sa taon pong ito, napagpasyahan ni Amo na huwag nang maglagay dahil maayos naman ang kanyang pamamahala sa aming bar. Ang naglalagay lamang daw ay iyong mga bar na may malalaswang panoorin. Disente po ang aming bar.
Dahil ayaw na nga pong magbigay ng lagay si Amo, iniipit naman ngayon ang kanyang mayors permit. Ang masama pa po nito, pinasasara pa ngayon ng mayor ang bar dahil marumi raw ito at walang occupational at health permit.
Maaari bang ipitin ng mayor ang pagbigay ng permit?
Hindi maaaring ipitin ng mayor ang pagbibigay ng mayors permit kung ang mga papeles ay nasa ayon. Maaaring kulang ang dokumento ng iyong boss dahil hindi siya dumaan sa regular na proseso ng pagkuha ng mayors permit noon. Siya ay sanay lamang na mag-lagay.
Ang mayors permit ay hindi maaaring iisyu kung ang establisimiyento ay hindi sumusunod sa mga standards ng batas. Ito ay naaayon sa police power ng lokal na gobyerno.
Ang dapat gawin ng iyong amo ay sumunod sa lahat ng legal na proseso at mag-sumite ng lahat ng dokumento na hinihingi ng batas kagaya ng sanitary permit, health certificate ng mga empleyado, approval ng fire bureau at iba pa. Tapos, magbayad siya ng legal na license fee. Kapag naisaayos niya ang lahat ng ito, ang mayor ay wala nang rason para hindi mag-isyu ng mayors permit.