19 wanted tiklo sa 24-oras operasyon ng QCPD

MANILA, Philippines — Nasa 19 na indibidwal na may kinahaharap na kaso ang dinakip sa isinagawang 24-oras na Warrant Day Operations ng Quezon City Police District (QCPD) nitong Biyernes na kinabibilangan ng apat na Most Wanted Persons (MWPs) at 15 Other Wanted Persons (OWPs).
Nabatid na pinangunahan ni QCPD Director PBGen. Christopher Olazo ang operasyon na isinagawa sa iba’t ibang lugar sa Quezon City upang arestuhin ang mga indibidwal na may nakabinbing warrant of arrest.
Kabilang sa mga naaresto ang alyas “Ever”, 42, na kabilang sa Top 3 Most Wanted ng La Loma Police Station, dahil sa kasong Estafa. Naaresto rin ng Masambong Police Station ang alyas “Ry”, 54, sa loob ng BJMP New Quezon City Jail Male Dormitory dahil sa kasong Homicide.
Samantala, inaresto ng Kamuning Police Station ang alyas “Rian”, 30, dahil sa kasong Syndicated Estafa, habang dinakip naman ng Project 6 Police Station ang alyas “Cent”, 19, dahil sa paglabag umano sa New Anti-Carnapping Act of 2016.
Ayon sa QCPD, ipagbibigay-alam sa mga korte na naglabas ng mga warrant ang pagkakaaresto sa mga indibidwal upang maisagawa ang kaukulang legal na proseso.
Sinabi ni Olazo na magpapatuloy ang QCPD sa pagsasagawa ng intelligence-driven operations at pakikipagtulungan sa mga korte at iba pang ahensiya ng batas upang matugis ang mga indibidwal na may kinahaharap na kaso.
- Latest





















