Whole-community approach sa ligtas na skul – PNP
MANILA, Philippines — Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang whole-community approach ng Department of the Interior and Local Government (DILG) upang mapigilan ang karahasan at mapanatiling ligtas ang mga mag-aaral.
Ayon kay PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., kailangan ang pagtutulungan ng pamilya, paaralan, komunidad at pamahalaan kasunod ng tatlong insidente ng pamamaril sa mga paaralan mula Hunyo, kabilang ang pinakahuli sa South Cotabato noong Setyembre 18.
Hinimok ni Nartatez ang mga magulang at guardian na bantayan ang kanilang mga anak, lalo na ang kanilang online activities, mga content na naa-access at mga senyales na nangangailangan ng gabay o propesyonal na tulong.
Binigyang-diin din ng PNP ang responsableng pagmamay-ari at ligtas na pag-iimbak ng mga baril upang hindi mapasakamay ng mga menor-de-edad.
Patuloy namang makikipag-ugnayan ang PNP sa DILG, DepEd, mga LGU, paaralan at pamilya upang palakasin ang preventive measures at mapanatili ang ligtas na learning environment.
- Latest
























