NBI tatalupan ‘ghost’ flood projects sa Taguig

MANILA, Philippines — Kinumpirma nitong Lunes ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na iniimbestigahan na nila ang umano’y “ghost” projects sa flood control sa Taguig, ang balwarte ni Senator Alan Peter Cayetano.
Sa isang ambush interview, sinagot ni Matibag ang isyu sa pagsasabing may 11 flood control projects umano si Sen. Cayetano na naipatupad noong 2022 na iniuugnay din sa mga pinangalanang top 15 contractors na nakakuha ng pinakamaraming kontrata sa flood control projects sa bansa.
“…Since tinanong n’yo baka sabihin timing na naman, anyway, public na naman ‘yan dahil sinasabi ni Senator Lacson, I think we should mention it..” ani Matibag.
Iginiit niya na hindi pulitika, kungdi batayan sa pag-iimbestiga ang mga dokumento, ebidensya at testimonya.
Una nang lumutang ang isyu laban kay Cayetano matapos akusahan niya si Sen Panfilo Lacson na nadoble ang net worth batay sa 2025 Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Itinanggi naman ni Cayetano ang alegasyon, subalit lumutang naman na ang mismong kapatid na si Lino Cayetano ang humiling na imbestigahan ang sinasabi niyang flood control projects sa Taguig.
- Latest


















