Papel ng kababaihan sa kaunlaran at pagkakaisa, kinilala ni TOL

MANILA, Philippines — Mahalagang papel ang ginampanan ng mga kababaihan sa mga kritikal na yugto ng kasaysayan, at makatutulong din sila sa pagkakaisa sa harap ng mga isyung humahati sa bansa.
Ito ang buod ng mensahe ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino sa harap ng libu-libong kababaihang dumalo sa pagdiriwang ng Women’s Month ng lungsod ng Pasig.
“Malaki ang ambag ng mga kababaihan sa lipunan at kasaysayan, at aktibo rin silang tumutulong sa pag-unlad ng ating bayan,” ani Tolentino.
“Habang kinakaharap natin ang ilang mabibigat na isyu, umaasa rin ako na malaki ang magiging papel ng mga kababaihan sa pagsulong ng pagkakaisa at pagkakaunawaan,” dagdag niya.
“Matapos ang lahat ng ito, naniniwala akong mas malakas at magiging progresibo tayo sa tulong ng mga kababaihan. Panawagan ko ang inyong tulong at dalangin para hilumin ang pagkakahati-hati sa ating pulitika,” apela ng senador.
Kasama rin sa naturang pagtitipon si Mayor Lani Cayetano, na kinilala ang ambag sa siyudad ni Tolentino mula pa noong siya’y Chairman ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
“Matagal nang tumutulong sa Taguig si TOL, panahon man ng eleksyon o hindi. Kung kaya’t lagi rin natin syang sinusuportahan,” ibinahagi ni Cayetano sa mga Taguigueña.
- Latest