P5 taas pasahe sa LRT, larga na

MANILA, Philippines — Sa kabila ng panawagan ng ilang grupo, aminado ang Malakanyang na wala silang magagawa para harangin ang nakaambang dagdag pasahe sa Light Rail Transit (LRT-1).
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na kahit gustuhin ng gobyerno na hindi matuloy ang fare hike ay mayroong kontratang dapat sundin.
Iginiit ni Castro na mas magiging malaking problema ang haharapin ng mga commuter kung hindi susundin ang kontratang pinasok ng gobyerno sa management ng LRT.
“Gustuhin man ng administrasyon na hindi muna ito maituloy, pero iyan kasi ang nakasaad sa kontrata. Matagal na dapat nagtaas ng pasahe pero hino-hold ito para sa ating commuters. Kasama kasi ito sa kontrata at ‘pag hindi ito tinupad ng gobyerno, mas magkakaroon ng malaking problema ang ating commuters,” pahayag pa ni Castro.
Bukod dito, matagal na rin aniyang dapat nagtaas ng dagdag pasahe sa LRT subalit naipagpapaliban at kailangan ding sundin ang naging kasunduan na dapat tuwing dalawang taon ay magtataas sa singil sa pamasahe.
Sa kabila nito ilang grupo naman ang nagpaplano na umapela sa Malakanyang para pigilan ang implementasyon ng P5 dagdag singil sa pamasahe sa LRT epektibo bukas, Abril 2, 2025.
- Latest