5 Robbery-Carnapping suspects timbog sa QCPD
Kinarnap na kotse, ninakaw na gamit nabawi
MANILA, Philippines — Arestado sa sunud-sunod na operasyon ng Quezon City Police District (QCPD) ang limang suspek sa pagnanakaw at pangangarnap ng sasakyan sa isang residente sa loob mismo ng isang subdibisyon sa Brgy. Loyola Heights, Quezon City.
Batay sa report na tinanggap ni QCPD Director PCol. Melecio Buslig, Jr., hindi na nag-aksaya ng oras ang mga tauhan ni Anonas Police Station 9 chief PLtCol. Zachary Capellan at nadakip ang mga suspek na sina Ramil Mangaoang, 52, ng Brgy. Commonwealth, QC; Hendrix Velenia, 42, ng Brgy. Tañong, Marikina City; Manuel Policarpio, 62, ng Brgy. Tabacalera, Pateros; Julito Morada, 51, ng Brgy. Commonwealth, QC at Ryan Poltismo, 42, ng Brgy. Bagong Pook, Calaca, Pampanga.
Ayon kay Buslig, nangyari ang insidente nitong Disyembre 17, bandang alas-10:27 ng umaga nang sapilitang pasukin ng mga suspek ang bahay ng biktimang si “Nelson” sa isang subdibisyon sa Brgy. Loyola Heights, QC.
Tinangay ng mga suspek ang mga cellphones, relo, pera at sasakyan ng biktima na Mitsubishi Adventure saka mabilis na tumakas. Agad namang humingi ng saklolo ang biktima.
Mabilis na nagsagawa ng backtracking sa CCTV footages ang mga tauhan ng District Anti Canapping Unit (DACU) sa pangunguna ni PLtCol. Hector Ortencio kasama ang mga tauhan ng Anonas Police Station 9 na nagresulta sa pagkakabawi kinabukasan, Disyembre 18 sa Mitsubishi Adventureon Riverside St., corner Cambridge St., Provident Village, Brgy. Tañong, Marikina City.
Hindi pa rin tumigil ang mga pulis, Disyembre 19 nang makuha naman ng mga tauhan ng District Special Operations Unit (DSOU), ang get away car ng mga suspek na isang Honda CR-V na may plakang XRO 888 habang nakaparada sa harap ng No. 55 Saint Therese, Provident Village, Brgy. Tañong, Marikina City.
Sa isinagawang surveillance, natunton ng mga operatiba ang pinagtataguan ng mga suspek sa No. 404 Steve Street, Brgy. Commonwealth, Quezon City nitong Disyembre 23. Nakuha sa mga suspek ang isang caliber .45 Colt MK IV Series 80 pistol na may isang magazine loaded ng 7 live ammunition, 1 kahon ng mga bala, 3 caliber. 38 revolvers na may 7 bala.
Wala ring naipakitang mga dokumento ang mga suspek. Nabawi rin ang mga cellphone at mga relo.
Nahaharap sa kasong robbery, carnapping, at paglabag sa R.A. 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang mga suspek.
Tiniyak naman ni Buslig na agad na tutugunan ng QCPD ang mga kasong naidudulog sa kanila at ligtas ang publiko sa lungsod.
- Latest