Firing range sa Quezon City, nasunog

MANILA, Philippines — Sumiklab ang sunog sa isang firing range sa Quezon City nitong Martes ng umaga.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), alas-7:31 ng umaga nang magsimula ang sunog sa isang gusaling may dalawang palapag sa kahabaan ng E. Rodriguez Avenue sa Barangay Immaculate Concepcion sa lungsod.
Ayon sa mga arson investigator, agad itinaas sa unang alarma ang sunog matapos maapektuhan ang stockroom ng firing range.
Sa ulat, naging pahirapan para sa mga bumbero ang pag-apula ng apoy dahil sa makapal na usok sa loob ng gusali kaya gumamit pa sila ng mga breathing apparatus upang makapasok sa lugar.
Matapos ang ilang oras, naapula ang apoy bandang alas-12:25 ng tanghali. Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa insidente.
Kasalukuyang nagsasagawa ng imbentaryo ang mga imbestigador upang matukoy ang tinatayang halaga ng pinsala sa ari-arian.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng sanhi ng sunog.
- Latest






















