DOLE: Baldwin, walang alien employment permit

Ilegal na nagtatrabaho sa Pilipinas
MANILA, Philippines — Ibinunyag ng Department of Labor and Employment (DOLE) na walang Alien Employment Permit (AEP) si dating Ateneo Blue Eagles head coach Tab Baldwin batay sa isinagawang motu proprio clarificatory conference.
Ayon sa DOLE, walang rekord na nag-aplay si Baldwin para sa AEP o certificate of exemption alinsunod sa umiiral na mga patakaran. Gayunman, iginiit ni Baldwin at ng kanyang mga abogado na hindi na niya kailangan ng AEP dahil mayroon siyang permanent resident visa sa Pilipinas.
Sinabi ni Labor Secretary Francis Tolentino na kung mapatutunayang walang AEP si Baldwin, maituturing na ilegal ang kanyang pagtatrabaho sa bansa. Aniya, maglalabas din ng subpoena ang DOLE sa mga opisyal ng Ateneo bilang employer ni Baldwin.
Sa pagdinig, inamin ni Baldwin na nagsimula siyang magtrabaho sa Pilipinas noong 2013 bilang consultant ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), bago naging consultant ng Talk ‘N Text at head coach ng Gilas Pilipinas noong 2015 at 2016. Gayunman, sinabi ni Tolentino na noong 2016 lamang naisyu ang Alien Certificate of Registration (ACR) ni Baldwin, dahilan upang kuwestiyunin ang legalidad ng kanyang pananatili at pagtatrabaho sa bansa sa mga naunang taon.
Nakatakda ang susunod na pagdinig ng DOLE sa Hulyo 9.
- Latest




















