Vlogger na nagpakalat ng banta tutukuyin ng PNP
MANILA, Philippines — Hinimok ng Philippine National Police-National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) ang publiko na huwag paniwalaan ang mga kumakalat sa social media na paghandaan ang mga banta sa seguridad at nagbabadyang emergency sa Metro Manila.
“There is no credible information monitored by our intelligence units that would suggest any form of threat in Metro Manila,” sa pahayag ng NCRPO.
Ayon sa NCRPO, isasailalim nila sa validation ang mga ganitong uri ng report dahil publiko ang target na alarmahin.
Sa pinakabagong intelligence reports ng iba’t ibang intel units, walang impormasyon ng anumang banta sa seguridad na maaaring magdulot ng alarma sa seguridad sa Kalakhang Maynila.
“We encourage everyone to remain calm, deliberate and to be very discerning in what you see in social media,” dagdag pa nito.
Giit ng NCRPO, pinaiimbestigahan na ang pagkilanlan ng taong nasa video.
Partikular na iniimbestigahan ang Facebook post ng “Maranao TV” na nagsasabing dapat paghandaan ng mga nasa Manila ang magaganap na emergency, hinikayat ang publiko na mag-stock ng pagkain, baterya, power bank at gamot sa mga nagme-maintenance.
Umapela rin ang NCRPO sa publiko na agad ireport sa pinakamalapit na presinto o istasyon ng pulisya sakaling may natutunugan na kahina-hinalang mga pagkilos.
- Latest