Pampasaherong sasakyan, lalagyan na ng speed limiter
MANILA, Philippines — Isinasapinal na ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang pagpapatupad ng batas hinggil sa paglalagay ng speed limiter sa lahat ng pampasaherong sasakyan sa bansa.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza ang Republic Act 10916, o ang Road Speed Limiter Act ay dapat noon pang taong 2016 ito naipatupad.
“The full implementation of this law is long overdue. We have to do something now for the interest and protection of all road users,” sabi ni Mendoza.
Binigyang diin ni Mendoza na magpapatupad sila ng guidelines hinggil sa paglalagay ng kaukulang speed limiters sa lalung madaling panahon upang matiyak ang ligtas na paglalakbay ng mga commuters at maiangat ang standards ng public transportation safety sa bansa.
Batay sa data ng World Health Organization, nasa 1.3 milyong katao ang namamatay sa aksidente sa lansangan habang nasa 20 milyon hanggang 50 milyon ang nasusugatan. Ang road traffic injuries umano ang pangunahing ugat ng kamatayan ng maraming kabataan na may edad 5 taon hanggang 29 taong gulang.
Batay sa UN data, sa Pilipinas, nasa average na 32 katao ang namamatay kada araw dulot ng aksidente sa lansangan.
- Latest