Droga, baril nasamsam sa bahay sa Pateros, 5 arestado
MANILA, Philippines — Arestado ang lima katao kabilang ang isang target ng operasyon nang salakayin ang isang residential house na pinaniniwalaang pugad ng iligal na aktibidad, sa Pateros, Metro Manila, kamakalawa ng gabi.
Kinalala ang mga dinakip na sina alyas “Charlie,” 55; alyas “Kim”, 37; alyas “Jerome”, 31; alyas “Ryan”, 36, at alyas “Romar”, 39.
Sa ulat ng Pateros Municipal Police Station, sa bisa ng Search Warrant na inisyu ni Hon. Executive Judge Maria Gracia A. Cadiz-Casaclang ng RTC Branch 155, Pasig City, pinasok at hinalughog ang bahay na matatagpuan sa Barangay Tabacalera, Pateros, alas-7:55 ng gabi nitong Biyernes.
Nasamsam ang tinatayang 60 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P408,000.00, iba’t ibang drug paraphernalia, timbangan at isang kalibre 45 pistola na kargado ng 4 na bala.
Isinailalim na sa inquest proceedings ang mga suspek sa paglabag sa Sections 11, 12, 13, 14, at 15 sa ilalim ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
- Latest