Gunman ng brodkaster na si Jumalon, timbog na
MANILA, Philippines — Nadakip na ng mga awtoridad ang pangunahing gunman sa pagpatay sa radio broadcaster na si Juan Jumalon na mas kilala bilang ““DJ Johnny Walker” kahapon ng madaling araw.
Ayon kay PNP -Public Information Office Chief Col. Jean Fajardo, ang naarestong suspek ay nakilalang si Julito Mangumpit alyas “Ricky”.
Sa bisa ng warrant of arrest sa kasong murder, binitbit si Mangumpit sa Dipolog City ng alas-3:10 ng madaling araw ng pinagsanib na puwersa ng Misamis Occidental at Zamboanga Del Norte Police.
Bukod sa pagpatay kay Jumalon, broadcaster at nagmamay-ari ng 94.7 Gold FM community radio station sa Calamba, Misamis Occidental, mayroon pang walong warrant of arrest ang suspek sa mga kasong murder, frustrated murder, direct assault at paglabag sa RA 9165.
Nauna rito, naaresto na rin noong Marso ang dalawang kasamahan ni Mangumpit na magpinsang sina Boboy Sagaray Bongcawel alyas “Boboy” at Renante Saja Bongcawel, alyas “Inteng”.
Sabi ni Fajardo, ang tatlo ay pawang kasapi ng “gun for hire group”.
Aniya, sa pagkakahuli kay Mangumpit ay “accounted for” na ang lahat ng suspek sa brutal na krimen, para mapanagot sa batas.
Magugunita na si Jumalon ay pinasok at binaril habang nagpo-programa sa radyo habang naka-live stream sa kanyang bahay sa Brgy. Don Bernardino A. Neri, Calamba, Misamis Occidental noong Nobyembre 5, 2023.
- Latest