Mister kalaboso sa ilegal na baril
CAVITE, Philippines – Patung-patong na kaso ang kakaharapin ng isang mister na isinailalim sa search warrant operation ng pulisya hinggil sa pag-iingat ng hindi lisensyadong baril na nakuhanan din ng mga marijuana at kush sa loob ng bahay nito sa Brgy. Pasong Camachile II Gen. Trias City, kamakalawa.
Base sa ulat ng Gen. Trias City Police, alas-7:30 ng gabi nang salakayin nang pinagsanib na puwersa ng Intelligence Operatives at sector 3 personnel sa pangunguna ni Police Major Reden P. Malabanan ang bahay ng suspek na kinilalang si Melvin, nasa hustong gulang, residente ng nasabing lugar.
Sa isinagawang paghahalughog sa bahay ng biktima, nasamsam mula sa suspek ang isang cal .38 revolver smith & wesson na may serial number 325061, mga bala at 1 sling bag. Tumambad din sa mga ito ang nakatagong dalawang selyadong plastic na transparent na naglalaman ng marijuana na may timbang na humigit kumulang sa 28.40 gramo at 2 sachet ng kush na may timbang na 22.90 gramo na may halang P68,250.00.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Gen. Trias City Police.
- Latest





















