4-minutong responde, ipinagmalaki sa ‘One Tap Emergency Alert System’
CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Maagap na napakinabangan ang programa ng Quezon Police Provincial Office (QPPO) na “One Tap Emergency Alert System “’ matapos na mabilis na tumugon sa pagbabanta sa isang paaralan sa Barangay Poblacion 38, Infanta Quezon, kamakalawa ng umaga
Ayon kay QPPO Director PCol. Romulo Albacea, nakatanggap umano ng death threat ang isang estudyante ng Infanta National High School sa pamamagitan ng chat o text message.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng Infanta Municipal Police Station sa pangunguna ni PMaj. Harold C. Panganiban at nakarating sila sa loob lamang ng humigit-kumulang sa apat na minuto upang tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante at guro.
Isinasagawa na ang beripikasyon at follow-up investigation upang matukoy ang nagpadala ng mensahe at malaman kung gaano kaseryoso ang banta.
Nakikipag-ugnayan din ang pulisya sa cybercrime unit para matunton ang pinagmulan ng umano’y pagbabanta.
- Latest























