Ex-tserman sa Batangas, itinumba ng tandem!

BATANGAS, Philippines — Patay ang isang dating kapitan ng barangay at kasalukuyang empleyado ng pamahalaang lungsod matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek na magkaangkas sa motorsiklo sa Barangay Talaga, Tanauan City, Batangas, nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Emeterio Terrones Awitan, 66-anyos, dating chairman ng Barangay Bañadero at kasalukuyang empleyado ng Tanauan City Hall.
Sa paunang imbestigasyon, alas-5:16 ng hapon habang bumibiyahe patungo sa sentro ng Tanauan City sakay ng motorsiklo si Awitan, nang lapitan siya ng dalawang suspek na sakay rin ng motorsiklo.
Agad pinagbabaril ng angkas na suspek ang biktima habang umaandar ang kanilang motorsiklo bago tumakas patungo sa direksiyon ng sentro ng lungsod.
Nagtamo si Awitan ng hindi bababa sa apat na tama ng bala sa dibdib at agad na nasawi sa pinangyarihan ng insidente.
Dakong alas-5:45 ng hapon nang makatanggap ng ulat ang Tactical Operations Center ng Tanauan City Police Station mula sa Mobile Patrol Unit 5 hinggil sa pamamaril.
- Latest

















