DILG: 58 TBS members naaresto sa Mendiola rally
MANILA, Philippines — Inihayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na nasa 58 miyembro ng True Brown Style (TBS) ang naaresto na kabilang sa 200 katao na nagsagawa ng protesta sa protesta sa Mendiola, Maynila noong Setyembre 21.
Sinabi ni Remulla na batay sa imbestigasyon, nakita ang malaking bilang ng TBS members sa mga naaresto, na aniya’y nagpapakita ng posibilidad ng kanilang pagkakasangkot sa karahasan.
Ayon pa sa kalihim, 13 miyembro ng TBS na may iba’t ibang kaso ang nananatili sa kustodiya ng mga awtoridad. Patuloy din aniya ang monitoring sa mga banta sa social media at mga community-based gang.
Sinabi ni Remulla na nagmula sa California, United States ang TBS at kalaunan ay lumawak sa Pilipinas, kabilang ang mga kabataang nasa edad 19 hanggang 20.
Una nang nakahuli ang mga awtoridad ng 53 katao na hinihinalang sangkot sa grupong nanghihikayat sa mga kabataan na gumawa ng karahasan sa mga paaralan. Ayon kay Remulla, magpapatuloy ang kampanya katuwang ang DepEd at mga komunidad upang matiyak ang kaligtasan ng mga bata.
- Latest
















